Tagalog Bibles (BIBINT)
タガログ語新約聖書


1 Kay Timoteo 5

Payo Patungkol sa mga Balo, Matatanda at mga Alipin
    1Huwag mong sawayin ang isang matanda. Sa halip, hikayatin mo siya nang may katapatan tulad sa isang ama, gayundin naman sa mga nakakabatang lalaki, na tulad sa mga kapatid. 2Hikayatin mo nang may katapatan ang matatandang babae na tulad sa mga ina, at ang mga nakakabatang babae na tulad sa mga kapatid na babae nang buong kalinisan.
    3Igalang mo ang mga balong babae na tunay na mga balo. 4Ngunit kung ang balo ay may mga anak o mga apo, dapat na matutunan muna nilang ipakita na sila ay sumasamba sa Diyos sa pamamagitan ng pagkalinga nila sa kanilang sambahayan. Gantihan din nila ng kabutihan ang kanilang mga magulang at ninuno sapagkat mabuti at katanggap-tanggap ito sa harapan ng Diyos. 5Ngayon, ang babae na isang tunay na balo at nag-iisa ay sa Diyos umaasa. Gabi at araw, siya ay nagpapatuloy sa paghiling sa Diyos at pananalangin. 6Ngunit ang balo na nagpapakabuyo sa pansariling kasiyahan, bagaman siya ay nabubuhay, siya ay patay. 7Upang sila ay hindi mapintasan, iutos mo ang mga bagay na ito sa kanila. 8Kapag hindi paglaanan na sinuman ang pangangailangan ng kaniyang sarili, lalo na ang kaniyang sariling sambahayan, ay tumalikod na sa pananampalataya. Siya ay masahol pa sa isang hindi mananampalataya.
    9Kung ang isang balo ay mahigit nang animnapung taong gulang, isama mo ang kaniyang pangalan sa talaan ng mga balo. Dapat na siya ay naging asawa lamang ng isang lalaki. 10Dapat nasaksihan ng mga tao ang kaniyang mabubuting gawa, tulad ng pagpapalaki niya sa kaniyang mga anak, pagpapatuloy niya sa mga taga-ibang bayan, paghugas niya sa mga paa ng mga banal, pagtulong niya sa mga nagulumihanan at kung iniukol niya ang kaniyang sarili sa lahat ng uri ng mabubuting gawa.
    11Tanggihan mong isama sa talaan ang mga batang babaeng balo sapagkat kung ang kanilang makalamang pagnanasa ay maging salungat kay Cristo, sila ay nagnanais na mag-asawa. 12Sa dahilang itinakwil nila ang kanilang unang pananampalataya, hinahatulan sila ng Diyos. 13Dagdag pa rito, natututo silang maging tamad na nagpapalipat-lipat sa mga bahay-bahay. Hindi lang sila mga tamad kundi sila ay mga masitsit[1] at nakikialam sa buhay ng ibang tao at nagsasabi ng mga bagay na hindi nila dapat sabihin. 14Kaya nga, ninanais ko na ang mga batang balo ay mag-asawa, na sila ay magkaanak at pangalagaan ang kanilang tahanan upang hindi sila magbigay ng pagkakataon sa kaaway na alipustain sila. 15Ito ay sapagkat ang ilan ay tumalikod na at sumunod na kay Satanas.
    16Kung ang isang mananampalatayang lalaki o isang mananampalatayang babae ay may mga balo sa kanilang kamag-anakan, dapat niya silang tulungan upang hindi sila maging pabigat sa iglesiya. Sa ganoon, ang iglesiya ay makakatulong sa mga tunay na mga balo.
    17Ang mga matanda sa iglesiya na nangangasiwang mabuti ay ibilang na karapat-dapat na tumanggap ng ibayong pagpapahalaga, lalo na ang mga nagpapagal sa salita at sa pagtuturo. 18Ito ay sapagkat sinabi ng kasulatan:
       Huwag mong busalan ang baka habang
       gumigiik.
At ito rin ay nagsasabi:
       Ang mga manggagawa ay karapat-dapat sa
       kaniyang sahod.
19Maliban sa dalawa o tatlong saksi ang magharap ng paratang laban sa matanda sa iglesiya, huwag mong itong tanggapin. 20Ang mga nagkakasala ay sawayin mo sa harapan ng lahat upang ang iba ay matakot.
    21Mahigpit kong ipinagtatagubilin sa iyo sa harapan ng Diyos at Panginoong Jesucristo at ng mga anghel na pinili ng Diyos: Ingatan mo ang mga tagubiling ito. Huwag kang humatol kaagad-agad. Huwag kang magtangi ng isang tao nang higit kaysa iba.
    22Huwag kang magmadali sa pagtatalaga ng sinuman sa pamamagitan ng pagpapatong ng iyong kamay. Huwag kang makibahagi sa mga kasalanan ng iba. Panatilihin mong dalisay ang iyong sarili.
    23Huwag kang uminom ng tubig lamang. Dahil sa iyong sikmura at madalas mong pagkakasakit, gumamit ka ng kaunting alak.
    24Ang mga kasalanan ng ilang tao ay hayag na nakikita, na nauuna pa sa kanila sa paghuhukom. Ang mga kasalanan naman ng ibang tao ay sumusunod sa kanila. 25Sa gayunding paraan, ang mabubuting gawa ay hayagang nakikita. Ang mga hindi mabubuting gawa ay hindi maililingid.

Show footnotes


  1. 5:13 Ito ay ang walang pigil na pagdadala ng lahat ng uri ng usapin.


Tagalog Bible Menu